LEGAZPI CITY – Agaw atensyon ngayon sa lalawigan ng Masbate ang mga pulis na horse patrollers na nagpapatrolya sakay ng kanilang mga kabayo sa 28th Rodeo Masbateño festival.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Maria Luisa Tino ang tagapagsalita ng Masbate Police Provincial Office, nakafull alert ang kapulisan upang magbigay ng seguridad sa festival na nagsimula nitong Abril 1 at magtatapos sa huling araw ng buwan.
Nasa 300 mga pulis ang nakadeploy ngayon sa lalawigan na nagbabantay sa mga venue ng events, palengke, mga kalye at iba pang pampublikong lugar.
Subalit pinaka-agaw atensyon ang mga binansagang horse patrollers na mga pulis na nakasakay sa kanilang kabayo habang nagpapatrolya.
Ngayong taon lamang umano ito naisipang gawin ng kapulisan bilang pakikiisa na rin sa tema ng festival.
Samantala, wala namang nakikitang banta ang Philippine National Police sa seguridad ng festival na nananatiling matahimik at matagumpay na naisasagawa.