train accident in Daraga
train accident in Daraga

LEGAZPI CITY- Nakikipag-ugnayan na ngayon ang dalawang kumpanya na may-ari ng oil tanker at closed van na nakabangga sa dalawang tren ng Philippine National Railways sa Bicol.

Matatandaan na nitong Sabado ay sinalpok ng isang oil tanker ang inspection train ng tanggapan sa Nabua, Camarines Sur na nasundan pa ng pagbangga ng isang closed van sa pampasaherong tren sa bayan ng Daraga, Albay.

Ayon kay Philippine National Railways General Manager Deovanni Miranda sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nagsasagawa ng rail worthiness ang inspection train ng mabangga ito ng isang tanker.

Lumabas naman aniya sa pagsisiyasat na walang kasalanan ang naturang mga tren dahil nasa right of way ito ng mangyari ang dalawang magkasunod na aksidente.

Dahil dito ay muling nagpaalala ang opisyal sa mga motorista na ugaliing maging alerto tuwing dadaan sa mga riles ng tren upang maiwasan ang kaparehong mga insidente.

Dagdag pa ni Miranda na nakikipag-ugnayan rin ngayon ang tanggapan sa mga barangay officials upang maging katuwang sa pagpapaalala sa mga motorista.

Naglagay na rin umano ng mga signages malapit sa mga riles upang magsilbing babala sa mga motorista.

Nabatid na simula Enero hanggang Marso ay nakapagtala na ng apat na aksidente sa mga riles ng tren sa Bicol, na mas mababa sa 32 na mga aksidente na naitala sa unang quarter noong 2024.