LEGAZPI CITY – Walang nakikitang foul play ang Philippine National Police sa pagkamatay ng isang sundalo sa ilalim ng tulay sa Barangay Puro sa Legazpi City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Executive Master Sergeant Carlos Paña ang Chief Investigator ng Legazpi City Police Station, lumalabas sa isinagawang imbestigasyon na pasado alas 12 ng tanghali ng dumating sa tulay ang biktima na sakay ng motorsiklo.

Agad umano itong bumaba at pumunta sa naturang tulay, saka narinig ng ilang residente ang isang putok ng baril.

Ayon kay Paña, batay sa mga nakuhang ebidensya at testimonya ay malinaw na sinadya ng biktima na barilin ang sarili at wala namang ibang sangkot sa nangyari.

Dahil dito, inaalam na ngayon ng Philippine National Poloce kung may pinagdadaanan na mabigat na problema ang sundalo kaya nagawang kitilin ang buhay.