LEGAZPI CITY- Nanawagan ngayon ang Legazpi City Police Station sa publiko na agad na ipaabot sa kanilang himpilan ang anumang insidente bago i-post sa social media.
Kasunod ito ng kumakalat na mga post sa umanoy nangyaring kidnapping incident sa Sawangan Park sa lungsod ng Legazpi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PLTCol. Dennis Balla, hepe ng Legazpi City PNP, iniimbestigahan na umano ang pangyayari subalit walang malinaw na impormasyon lalo pa at wala namang report na ipinaabot sa kapulisan.
Nabatid pa na ang sinasabing biktima sa insidente ay kasalukuyang nasa Pasay.
Dagdag pa ni Balla na hindi kumpirmadong kidnapping ang nangyari lalo pa at wala namang ransom na hinihingi sa pamilya. Nagbabala naman ang opisyal sa publiko na mag-ingat sa pag-post sa social media kaugnay sa mga hindi kumpirmadong pangyayari upang hindi magdulot ng alarma at panic sa publiko dahil sa mga maling impormasyon.
Samantala, base sa pakikipag ugnayan ng mga otoridad ay nasa maayos na kalagayan naman umano ang sinasabing biktima at hinihintay na bumalik sa Legazpi para sa mas malalim na imbestigasyon.