LEGAZPI CITY – Nagpaalala ang kapulisan sa mga may lisensya ng baril na hindi basta-basta ang pagdadala nito lalo na kung hindi kumppleto ang mga dokumento.
Kasunod ito ng pagkaka aresto ng isang job order employee ng Land Transportation Office (LTO) Sorsogon sa pagdadala ng armas sa trabaho.
Ayon kay PMaj. Jeric Don Sadia, hepe ng Sorsogon City PNP sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mabilis na inaksyunan ng kapulisan ang report ng isang concerned citizen kaugnay ng nakitang baril na nakaipit sa tagiliran ni Joshua John Sanchez, 47-anyos, habang nasa trabaho.
Naipakita naman nito sa mga otoridad ang Firearm Registration card at License To Own and Possess Firearm (LTOPF) card subalit nabigong magpakita ng Permit to Carry Firearm outside Residence. Nabatidna caliber 9mm ang nakumpiskang armas na kargado pa ng bala.
Dagdag pa ni Sadia na magsisilbing “eye-opener” ang nangyari na bawal ang pagdadala ng baril lalo na kung hindi kumpleto ang papeles.
Abiso pa nito sa publiko na huwag magdadalawang isip na ipaabot ang kaparehong report sa mga otoridad upang agad na maaksyunan.