LEGAZPI CITY – Tiniyak ng Albay Police Provincial Office na ginagawa na ng pulisya ang lahat ng makakaya upang matukoy ang mga nasa likod ng pagnanakaw ng dalawang solar panels ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Mayon Resthouse station.
Maaalala na ang mga ito ang nagsisilbing sa power supply para sa mga instrumento sa pagmonitor ng lindol sa Bulkang Mayon, Global Positioning Sytem (GPS) at tiltmeter.
Ayon kay Albay PPO spokesperson PCapt. Dexter Panganiban sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagbabahay-bahay na ang mga personnel ng Tabaco City Police Station upang makilala at mahanap ang mga nasa likod ng pagnanakaw.
Kaugnay nito, nanawagan si Panganiban sa mga residente na malapit sa lugar na makipagtulungan sa mga otoridad para mabantayan ang mga importanteng gamit ng ahensya.
Panawagan pa nito sa mga suspek na maliwanagan ang pag-iisip upang ibalik na ang mga gamit dahil sa posibleng epekto nito sa mga Albayano.