LEGAZPI CITY- Desidido ang Sto. Domingo PNP sa Albay na papanagutin ang driver ng isang Hi-Lux na bumangga sa signage sa Quarantine Control Point (QCP) kaugnay ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon.
Isang kulay kahel na sasakyan ang bumangga sa signage ng PNP sa Brgy San Fernando kung saan kinaladkad pa ito hanggang 100 metro.
Imbes na tumigil nagtuloy-tuloy pa ang driver na mula sa Lungsod ng Tabaco habang muntikan pang bumangga sa PNP tent.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCapt. Genevieve Oserin, hepe ng Sto. Domingo PNP, malinaw na paglabag at pang-iinsulto sa kapulisan ang ginawa ng hindi pa nakikilalang drayber na pinaghahanap na sa ngayon.
Ayon kay Oserin na batay sa kopya ng CCTV footage sa lugar, hindi na lumabas pa sa area ng Sto. Domingo ang nasabing sasakyan kaya’t posibleng residente lang ng bayan ang suspek.
Naniniwala rin itong sinadya ang insidente o kaya’t nasa ilalim ng impluwensiya ng alak ang driver dahil maliwanag naman ang lugar na pinaglagyan ng barikada.
Sasampahan naman ang naturang driver ng karampatang kaso sakaling makilala na.