LEGAZPI CITY – Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) sa pamilya ng sinasabing biktima ng umano’y “kidnapping” sa Legazpi City.
Usap-usapan ngayon sa social media ang tungkol sa post ng isang kamag-anak ng lalaking tinangay umano ng mga hindi pa nakikilalang indibidwal mula sa lungsod at ibinaba sa Pasay.
Subalit nilinaw ng police station na wala pang pormal na ulat na nakakarating sa kanila kaugnay ng insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PLt. Col. Dennis Balla, hepe ng Legazpi City Police Station, ang himpilan na mismo ang gumawa ng aksyon sa pagkontak sa pamilya ng sinasabing biktima.
Giit ng hepe na wala pang malinaw na salaysay sa nangyari at hindi rin masabi kung akma ang alegasyon ng kidnapping lalo pa’t wala namang ransom at reward na hiningi.
Hinihintay lamang ni Balla ang opisyal na pahayag ng sinasabing biktima.
Samantala, nakiusap si Balla sa publiko na unahin munang magreport sa kapulisan sa mga kaparehong insidente kaysa pag-post sa social media.
Lumilikha umano kasi ng takot sa komunidad ang mga ganitong kwento kahit pa hindi nabeberipika ang totoong naganap.