LEGAZPI CITY – (Update) Kumpiyansa si dating Catanduanes Lone District Congressman Cesar Sarmiento na ibabasura lamang ng Department of Justice ang kasong isinampa ng pulisya laban dito.
Iniuugnay si Sarmiento bilang umano’y drug protector sa natuklasang shabu laboratory sa Brgy. Palta Small sa Virac noong 2016.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kwinestiyon ni Sarmiento ang hakbang ng Virac PNP dahil tanging pahayag lamang ng sinasabing state witness na si Ernesto Tabor ang pinakinggan habang mistulang kinalimutan ang kaniyang panig.
Tinawag pa nitong inconsistent at kasinungalingan ang mga alegasyon ni Tabor, maging ang sinasabing matagal nang pakikipag-ugnayan sa kongresista.
Ipinagtataka umano ni Sarmiento dahil hindi ito kasama sa mga unang kinasuhan at pinangalanan ni Tabor sa isyu ng shabu lab, na ibinasura rin ng DOJ kinalaunan subalit isinasabit sa ngayon.
Tiniyak rin ni Sarmiento ang pagsasampa ng kasong administratibo laban sa pulisya sa umano’y pangha-harass dahil minadali at wala umanong due process na nangyari.
Hinihintay na lamang ng dating mambabatas ang official notice mula sa DOJ para sa ihahaing counter-affidavit sa kaso.