LEGAZPI CITY- Blangko pa ang mga otoridad sa pagkakakilala ng natagpuang bangkay sa ilalim ng tulay sa boundary ng Barangay Milaviga at Barangay Guiamlong bayan ng Caramoran, Catanduanes.

Ayon kay Police Captain Denver Romero, hepe ng Caramoran Municipal Police sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nakasuot ng asul na damit at shorts ang biktima.

Nabatid na nasa state of decomposition na ang katawan ng biktima ng madiskubre ito sa lugar.

Kwento ng hepe na nakadapa ang biktima at nakatali ang mga paa at kamay habang may masking tape ang ulo nito.

Malayo umano sa kabahayan ang pinagtapunan ng bangkay ng naturang biktima.

Dahil dito ay nakikipag ugnayan na ang kapulisan sa kalapit na mga bayan upang malaman kung may nawawalang residente sa kanilang lugar.

Samantala, nanawagan naman si Romero na makipagtulungan sa mga otoridad ang posibleng nakakita sa suspek na nasa likod ng pagtatapon ng naturang bangkay.