
LEGAZPI CITY- Muling magsasagawa ng dalawang araw na tigil-pasada Condor Piston Bicol upang ipahayag ang kanilang mga panawagan sa pamahalaan sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa bansa.
Ayon kay Condor Piston Bicol President Ramon Rescovilla sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na magsisimula ang naturang transport strike simula alas-6 ng umaga bukas, Abril 21 hanggang alas-6 ng gabi sa Abril 22.
Paliwanag ng opisyal na layunin nito na ipanawagan ang pagkakaroon ng pang matagalan na solusyon sa mataas na presyo ng langis, na nakaka apekto sa kabuhayan ng mga nasa sektor ng transportasyon.
Aniya, walang silbi ang mga pa-pogi na ayuda ng pamahalaan lalo pa at hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nakakarating sa mga jeepney drivers.
Mas mainam umano na mapababa na lamang ang presyo ng langis upang lahat ay makinabang.
Sinabi ni Rescovilla na nakausap na niya ang mga transport groups sa Albay, Iriga City at Limbanan, Camarines Sur na nagpahayag naman ng suporta.
Inaasahan na nasa 75% na mapaparalisa ang transporasyon bukas sa buong rehiyong Bicol.










