LEGAZPI CITY- Nakapagtala na ng mga stranded na pasahero at mga sasakyan sa Pio Duran port sa lalawigan ng Albay dulot ng bagyong Basyang.
Ayon kay Pio Duran Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Noel Ordoña sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kagabi pa lamang ay sinuspinde na ang biyahe ng mga sasakyang pandagat sa naturang pantalan upang maiwasan ang anumang aksidente.
Sa kasalukuyan ay isinasapinal pa umano ang bilang ng mga stranded na pasahero at sasakyan dahil patuloy pa itong nadaragdagan dahil sa pagdating ng mga biyahero.
Ang naturang mga stranded passengers ay ba-biyahe sana patungo sa lalawigan ng Masbate.
Kaugnay nito ay sinabi ng opisyal na mahigpit nilang binabantayan ang mga coastal barangays sa naturang bayan dahil sa mga nagtatangka na makalusot patungo sa Claveria, Masbate.
Paliwanag ni Ordoña na lubhang mapanganib para sa mga maliliit na sasakyang pandagat kung pipilitin ng mga ito na makapaglayag lalo na sa gitna ng sama ng panahon.











