LEGAZPI CITY- Nagpatupad ng curfew simula kaninang alas-6 ng gabi ang lokal na pamahalaan ng Pio Duran upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente sa gitna ng banta ng Super Typhoon Pepito.
Ayon kay Pio Duran Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Noel Ordoña sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, siniguro nito na nasa ligtas na mga lugar na rin ang mga evacuees upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang insidente.
Paliwanag nito na maaga silang nagpatupad ng pre-emptive evacution dahil hindi na papayagan pa ang rescue operations sa panahon ng pananalasa ng naturang sama ng panahon.
Nabatid na ipinasarado na rin ang lahat ng beach resorts sa naturang bayan lalo pa ngayon na nararansan na rin ang malakas na alon sa karagatan.
Maging ang mga kagamitan sa pangingisda tulad ng mga bangka ng mga local fisherfolks ay ikinubli na rin sa ligtas na lugar.
Samantala, sinabi ni Ordoña na kabilang rin sa mga inilikas ang mga pasyente sa Pio Duran Memorial District Hospital dahil sa banta ng epekto ng Super Typhoon Pepito.
Siniguro ng opisyal na maayos naman na nakipag-ugnayan ang mga ito sa mga kinauukulan upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang insidente.