LEGAZPI CITY—Umakyat na sa mahigit P7.7 milyon ang naitalang pinsala sa sektor ng pangingisda sa Bicol matapos ang pananalasa ng Bagyong Opong sa rehiyon.
Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol Spokesperson Wheng Briones, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, base sa kanilang initial reports, nasa 203 mangingisda ang naapektuhan ng bagyo—kabilang dito ang mula sa mga lalawigan ng Masbate, Sorsogon at Albay.
Aniya, ang pinakamaraming apektadong mangingisda ay mula sa Masbate dahil ito ang pinakamatinding tinamaan ng bagyo.
Ayon kay Briones, kaaramihan sa mga napinsala ay mga bangka ng mangingisda na umabot sa halos P7.2 milyon.
Ayon sa opisyal, naitala rin ang damage and losses sa mga isda tulad ng bangus at tilapia.
Dagdag pa ni Briones, nasa proseso pa ang kanilang tanggapan sa pag-consolidate at pangangalap ng datos hinggil sa pinsalang dulot ng naturang kalamidad.
Sa kasalukuyan, nakatutok din ang kanilang tanggapan sa muling pagtatayo ng mga tahanan at kabuhayan ng mga mangingisda.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang kanilang opisina sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno para sa tulong sa mga apektadong mangingisda.
Nanawagan din ang opisyal sa mga mangingisda na hindi pa nakakapagsumite ng kanilang datos na maaari silang dumulog sa Municipal Agriculture Office upang sila ay makagawa ng aksyon o hakbang na makakatulong para sa kanila.