LEGAZPI CITY – Nadagdagan pa ang naitalang pinasala sa sektor ng agrikultura sa Bicol dulot ng epekto ng El Niño phenomenon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legapi kay Department of Agriculture Bicol spokesperson Lovella Guarin, umabot na sa P352.9 million ang production loss mula sa apat na lalawigan ng rehiyon.
Kinabibilangan ito ng Masbate, Camarines Sur, Albay at Sorsogon kung saan nasa 9,283 na mga magsasaka ang apektado.
Napag-alaman na ang lalawigan ng Masbate ang pinakanaapektuhan ng matinding init ng panahon na umabot sa P191.1 million ang halaga ng pinsala.
Ayon kay Guarin, karamihan sa matinding nagtamo ng pinsala ay ang palayan na umabot sa mahgit 3,200 ektarya ang apektado.
Tniyak naman ng opisyal na mayroong interventions na nakahanda ang tanggapan sa mga apektadong magsasaka upang matulungan na makabangon sa iniwang danyos ng matinding init ng panahon.