Bulusan volcano eruption aftermath
Bulusan volcano eruption aftermath

LEGAZPI CITY- Pumalo pa sa mahigit P3.9 million ang pinsalang iniwan ng pag-aalburuto ng bulkang Bulusan sa sektor ng agrikultura at pangingisda sa lalawigan ng Sorsogon.

Ayon kay Department of Agriculture Bicol Spokesperson Lovella Guarin sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kabilang dito ang pinsala sa mga pananim na niyog, abaca, mga gulay at fisheries sector.

Tinataya naman na nasa 173 na mga magsasaka at mangingisda ang apektado.

Paliwanag ng opisyal na pangunahing naka apekto sa mga pananim at palaisdaan ay ang dalawang magkasunod na pagbuga ng abo ng bulkang Bulusan.

Aniya, naaapektuhan ang produkto ng mga high value crops kung nababagsakan ng abo ang mga dahon nito.

Nabatid rin na nasa 165,000 na hektarya ng mga taniman ng niyog ang partially damaged subalit inaasahan na makaka recover naman oras na makaranas ng mga pag-ulan.

Samantala, sinabi ni Guarin na naka preposition na rin ang mga binhi na ipapamigay sa mga apektadong magsasaka para sa muling pagtatanim ng mga ito.