LEGAZPI CITY – Pumalo na sa higit P150 million ang inisyal na pagtaya ng pinsalang idinulot ng Bagyong Ambo sa sektor ng agrikultura sa Bicol.

Batay sa tala mula sa Department of Agriculture (DA) Bicol na inilabas ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, umakyat na ang production losses sa P150, 392, 183 mula sa anim na lalawigan sa rehiyon.

Higit 5, 000 ektarya ang partially damaged at higit 3, 100 ang totally damaged sa mga taniman ng palay, mais, high-value crops habang apektado rin ang livestock.

Pinakamalaking pinsala ang naidulot ng bagyo sa high value crops na nasa P76.78 million na, palay sa P42.89 million, mais sa P29.50 million at livestock sa P1.22 million.

Ang Masbate ang lalawigan na pinakamatinding nasalanta sa Bicol, na umaabot na sa halos P50 million ang pinsala.

Sinusundan ito ng Albay sa P46.3 million, Camarines Sur sa P43.28 million, Sorsogon sa P4.92 million, Camarines Norte sa P3.58 million at Catanduanes sa P2.61 million na production loss.