LEGAZPI CITY- Pumalo pa sa mahigit P2.1 billion ang pinsala na iniwan ng bagyong Kristine sa sektor ng agrikultura sa Bicol region.

Ayon kay Department of Agriculture Bicol spokesperson Lovella Guarin sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa naturang bilang, nasa P1.8 billion ang pinsala sa palayan.

Nabatid na karamihan sa mga palayan ay nalubog sa baha.

Batay sa tala ng tanggapan ay pinakamalaki ang pinsala sa lalawigan ng Camarines Sur na nasa P926 million kung saan nasa 18,000 hektarya ang apektado, na sinusundan naman ng lalawigan ng Albay na matindi ring napinsala ng naturang sama ng panahon.

Maliban pa dito ay matindi ring napinsala ang ilang mga palaisdaan sa lalawigan.

Ayon kay Guarin na hanggang sa kasalukuyan ay hinihintay pa rin ng tanggapan ang ulat mula sa iba pang mga bayan.

Samantala, unti-unti na rin aniyang nagbibigay ng asistensya ang Department of Agriculture sa mga apektadong magsasaka at mga mangingisda upang tulungan na makabangon ang mga ito.