LEGAZPI CITY – Muling nakapagtala ng record si Pinoy Aquaman Atty. Ingemar Macarine matapos makumpleto ang ang unassisted 10.8km swim sa loob lamang ng tatlong oras at 15 minuto.
Walang tigil na nilangot ni Macarine ang karagatan mula Olotayan Island patungong mainland Roxas City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa naturang prosecutor mula sa Bohol ay sinabi nito na layunin ng kaniyang paglangoy ang pag-promote sa turismo sa Roxas City, pag-promote sa kalinisan ng mga karagatan, gayundin ang healthy lifestyle.
Sinabi nito na naging sulit ang lahat ng paghihirap niya sa training sa kalalipas na mga buwan dahil sa magandang resulta nito.
Ibinahagi rin nito na ang sikreto niya sa malakas at malusog na katawan sa edad na 47-anyos ay ang regular na ehersisyo, tamang diyeta at sapat na tulog kada araw.
Samantala, matapos ang tagumpay ay naghahanda naman ngayon si Macarine sa susunog na paglangoy nito sa ibang bansa ngayong darating na Hulyo kung saan target niya ang 10km swim mula sa Canada patungong Estados Unidos.