LEGAZPI CITY- Masaya ang Filipina designer na si Ditta Sandico na maipakita ang kultura ng bansa sa pamamagitan ng kaniyang disenyo ng kasuotan ng mga Filipino para athletes sa Paris Paralympics 2024.
Sa panayan ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ni Ditta Sandico na una niyang naisip na ipakita sa disenyo ang kulay ng watawat ng Pilipinas na isa sa mga sumasalamin sa bansa.
Kwento nito na halos nasa 30 taon na siyang nakikipag trabaho sa mga maghahabi ng abaca sa lalawigan ng Catanduanes upang ma-develop ang magandang uri ng fabric na ginagamit niya sa kaniyang mga disenyo.
Ang isinuot umano ng mga para athletes na lumahok sa Paris ay binuo sa pamamagitan ng paghahabi gamit ang kanilang mga kamay at hindi ng anumang makina.
Dagdag pa ni Sandico na idinisenyo niya ang bawat kasuotan na madaling maisuot at angkop sa katawan ng bawat para athletes.
Nais kasi umano niya na kahit tapos na ang Paralympics ay magagamit pa rin ng mga atleta ang naturang kasuotan.
Samantala, nagpasalamat naman ito sa mga abaca weavers sa Catanduanes na patuloy umanong bumabangon sa kabila ng paulit-ulit na pananalasa ng iba’t ibang uri ng kalamidad na tumatama sa lalawigan.