LEGAZP CITY – Nilinaw ng City Disaster Risk Reduction and Management Office na malabong may mamuong yelo dahil sa malamig na panahon sa Legazp Cty sa Albay.
Kasunod ito ng tila yelo na lumilitaw sa dingding ng isang bahay sa Barangay San Francisco.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jome Añonuevo, may-ari ng naturang bahay, Enero 15 pa ng mapansin ng kanyang mga anak ang pinaniniwalaang yelo sa kanilang sementadong pader.
Nalulusaw daw ito kapag hinahawakan at kung mainit ang panahon.
Hinala ng pamilya na dahil sa malamig na panahon kaya nagyeyelo ang pader subalit ipinagtataka naman kung bakit sila lang ang mayroon nito habang hindi naman nararasanan ng mga kapitbahay.
Kaugnay nito, sa hiwalay na panayam ipinaliwanag ni Engr. Miladee Azur, head ng Legazpi City Disaster Risk Reduction and Management Office, malabo na yelo ang namuo sa pader ng naturang bahay dahil kailangan na zero o freezing temperature ang sitwasyon ng panahon sa lungsod.
Tulad aniya ng nangyayari ngayon sa Benguit kung saan nagkakaroon ng andap o frost ang mga tanim na gulay.
Ayon kay Azur, naglalaro lang sa 24 Degrees Celsius ang minimum temperature sa Legazpi at sa katunayan kung minsan ay nakakapagtala pa ng heat index.
Sinabi nito na malaki ang posibilidad na maaaring salt deposit o deposito ng ”asin” na nabubuo sa surface ng kongreto ang pinaniniwalaang yelo na lumitaw sa pader ng pamilya Añonuevo na kung tawagin ay efflorescence.