LEGAZPI CITY – Nagbabalik na ang inaabangang makulay na Pinangat Festival sa bayan ng Camalig matapos ang nasa apat na taon na pagkakasuspendi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Tim Florece ang tagapagsalita ng lokal na gobyerno ng Camalig, nakatakdang isagawa ang festival sa darating na Hunyo 10 hanggang 24.
Nakapaglaan na ang lokal na gobyerno ng pondo para sa mga programa na isasagawa sa festival subalit tinatapos pa ang line up ng mga ilulunsad na aktibidad.
Kasama sa mga nagbabalik na aktibidad ang Camalig Got Talent, Agri-Fiiesta, Folk Dance Performance, 4×4 offroad exhibition at iba pa.
Umaasa ang lokal na gobyerno na makatutulong ang pagbabalik ng Pinangat festival upang mas mapalakas pa ang turismo sa bayan at makapagbigay ng kabuhayan sa mga residente.
Maaalalang tatlong taon na nasuspendi ang Pinangat Festival dahil sa mga restrictions kaugnay ng COVID 19 pandemic.
Noong nakaraang taon sana ibabalik ang festival subalit nag-alburuto ang Bulkang Mayon kung kaya muli itong nasuspendi.