Photo courtesy, Provincial Tourism, Culture and Arts Office - Albay


LEGAZPI CITY – Matagumpay na narating ang lungsod ng Legazpi ni Erden Eruc, ang 60-anyos na tinaguriang unang tao na tumawid sa Northern Pacific Ocean sakay lamang ng isang bangkang de sagwan.

Ibinahagi ng Albay Provincial Tourism, Culture and Arts Office ang mga larawan para sa mainit na pagsalubong sa Turkish-American adventurer.

Ayon sa tanggapan, isang karangalan na mapili ng dayuhan ang Legazpi City bilang isa sa mga destinasyon nito.

Nagsimula ang paglalakbay ni Eruc noong Hunyo ng nakaraang taon sa Crescent City, California.

Dumating ito sa Waikiki noong Setyembre, sa Guam noong Pebrero at ngayon naman sa Legazpi City.

May kakilala umano si Eruc sa naturang lungsod kaya ito ang napiling daungan.

Si Eruc ay may hawak na 18 Guinness World Records, kabilang na ang fastest circumnavigation sa mundo sa pamamagitan ng human power.