LEGAZPI CITY – Malaking karangalan ang bitbit pauwi ng Pilipinas ng dalawang altleta mula sa Masbate matapos na manalo ng gold medal sa nagpapatuloy na 13th Asean School Games sa Dabang ,Vietnam.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rufino Arellano, Sports Division Coordinator, School Division Office ng Masbate, naiuwi ni Courtney Jewel Trangia sa larong Discuss Throw ang pinakaunang gold medal ng bansa.
Habang nakuha naman ni Ana Bhianca Gebilaguin Espenilla ang ikalawang gintong medalya sa larong Javelin Throw event.
Subalit inamin ni Arelano na sa likod ng naturang tagumpay ay maraming mga pinagdaanang pagsubok.
Sinabi nito na pinagsasabay ng dalawang atleta ang pag-aaral at training na minsan ay isinasagawa na lang online.
Ibinida rin ng opisyal na isang patunay ang nasabing tagumpay na kayang magbigay ng karangalan sa bansa ng mga taga-provincia.
Malaki rin ang pasasalamat ni Arellano sa mga nagbigay ng suporta upang makalahok sa naturang kompetisyon ang dalawang atleta.