LEGAZPI CITY – Natapos na ang Exercise Talisman Saber 2025, ang pinakamalaking bilateral exercise na pinangasiwaan ng Australian Government.
Matatandaang ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng mahigit 35,000 hanggang 43,000 military troops mula sa 19 na bansa kabilang ang Pilipinas habang ang Brunei, Malaysia at Vietnam ay nagsilbing observer.
Ayon kay Bombo International News Correspondent in Australia Denmark Suede sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, may anim na bansa ang unang sumali sa exercise at ito ay ang India, Netherlands, Norway, Singapore, Thailand, at Pilipinas.
Isa rin sa mga unang beses na isinagawa ay ang paglulunsad ng Australia ng isang anti-ship missile na maaaring tumama sa isang target sa layong 500 kilometers at pinaputok din ng United States ang Typhon Mid-Range Capability (MRC) System nito.
Kung sakaling magkagulo ang mundo dahil sa panggigipit ng China sa Taiwan ay maaaring i-deploy ng Australia at US ang kanilang mga kagamitan lalo na’t nakikita ng mga analyst ang ehersisyo bilang isang babala para sa China.
Sinabi ni Suede na isa sa mga aral na natutunan sa bilateral exercise ay kung paano magtutulungan ang mga sundalo na mula sa iba’t ibang bansa at ang pagkakaisa ng mga participating countries na dating magkaaway.