LEGAZPI CITY – Naabot na ng Pilipinas ang itinuturing na pinakamababang growth rate na naitala sa loob ng 75 taon mula 1946, ayon sa Commission on Population and Development.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay POPCOM Executive Director Usec. Juan Antonio Perez, batay sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas kahapon, nasa 1, 070, 000 lamang ang bilang ng ipinanganak at 768, 000 ang namatay hanggang Nobyembre 2021.
Samakatuwid, nasa 2.98% o 300, 000 lamang ang naitalang paglaki ng populasyon.
Nagsimula aniya ang trend ng pagbaba ng growth rate sa huling dalawang buwan ng 2020 na iniuugnay sa maraming couples na nagpigil sa panganganak habang nasa pandemiya, mga kababaihang nababahala sa hindi planadong pagbubuntis, at kawalan ng intensyon na mag-asawa at magkaanak.
Tumaas rin ang bilang ng mga mag-asawang nag-delay ng pagpapamilya dahil sa mahinang kita kaya’t dumami ang pumasok sa family planning.
Subalit umaasa si Perez na magtutuloy-tuloy pa ang trend kahit tapos na ang pandemya.