LEGAZPI CITY – Matagumpay na nailunsad ang pinakaunang Eco-Tourism Activity ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Bicol sa bayan ng Donsol sa Sorsogon.
Katuwang dito ang Department of Tourism, lokal na pamahalaan ng Donsol at iba pang stakeholders.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay J/CInsp. Ralph Vincent Bobis, Community Relations Service Chief ng BJMP Bicol, tinawag ang naturang aktibidad na Mangbutwa Eco-Tourism na sumentro sa pagtatanim at pangangalaga ng mga mangrove at whaleshark interaction acvitiy.
Sinimulan ang aktibidad sa tree planting sa seawall ng Barangay Dangcalan sa naturang bayan.
Ayon kay Bobis, nasa 670 na mangrove seedlings at propagules ang naitanim.
Isa mga nilalayon ng aktibidad na mahikayat ang mga residente na tumulong na mapreserba ang marine eco-system na isa sa pinagkukunann nila ng ikinabubuhay.
Maliban dito, isa rin itong fundraising activity ng BJMP Bicol na matulungan ang mga persons deprived of liberty (PDLs) partikular na ang mga senior citizen, may kapansanan at hindi na dinadalaw ng mga kamag-anak.
Samantala, plano ng tanggapan na isagawa ang aktibidad taun-taon tuwing summer season upang mamonitor ang mga itinanim at matiyak na mapreserba ang marine eco-system.