LEGAZPI CITY – Hindi na ikinabigla pa ng grupong Kilusang Mayo Uno ang muling pagkakasali ng Pilipinas sa listahan ng 10 Worst Countries for Workers sa ika-walong magkakasunod na taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jerome Adonis ang Secretary General ng Kilusang Mayo Uno, maraming mga problemang kinakaharap ang mga manggagawang Pilipino kagaya ng mababang pasahod dahil sa regional wage, kontraktwalisasyon at ang isyu ng red tagging sa mga unyon.
Ayon kay Adonis, matagal ng ipinapanawagan ng kanilang grupo na magkaroon na ng national based wage o pag-isahin na lamang ang sahod sa buong Pilipinas.
Sa ngayon kasi ay magkakaiba pa ang sahod sa bawat rehiyon kung kaya karamihan ng populasyon ay pumupunta sa ibang para sa mas mataas na sweldo at mas maayos na trabaho.
Problema rin ng mga manggagawa ang kontraktwalisasyon kung saan nagkakaroon ng kontrata ang isang empleyado sa kanyang trabaho na tumatagal lamang ng tatlo hanggang limang bulan.
Panawagan ng grupo na aksyonan na ng gobyerno ang mga problemang ito upang maiayos ang sitwasyon ng mga manggagawang Pilipino.