LEGAZPI CITY- Inanunsyo ng Schools Division Office (SDO) ng Legazpi City na susunod ang kanilang opisina sa ipinalabas na advisory ng Department of Education Central Office patungkol sa magiging set-up ng pasok sa gitna ng isang linggong transport strike na sisimulan ngayong araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay SDO Legazpi Spokesperson, Santi Araña, hindi magkakaroon ng class suspension at ipagpapatuloy pa rin ang pag-aaral ng mga estudyante.
Base sa ipinalabas na advisory, inabisuhan ang mga eskwelahan sa lungsod na i-implement ang flexible learning modality.
Habang ang mga eskwelahan na hindi naman maapektuhan ng transport srike ay magkakaroon pa rin ng in-person classes.
Ani Araña, iniiwasan na nilang maantala ang pasok at pag-aaral kung kaya’t nararapat lamang ang pagsasagawa ng modular o online class.
Hindi na rin umano ito bago sa mga guro at mga estudyante sapagkat isinagawa na ito noong kasagsagan ng coronavirus disease pandemic.
Una na rito, base sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi ay may iilang mga transport group dito sa Albay ang sasama at makikiisa sa pitong araw na tigil-pasada.
Kabilang na riyan ang Ligao PioDuran Tabaco Transport Corporation (LIPTRACORP), at ilang mga tsuper ng Legazpi-Daraga Jeepney Operators and Drivers Association (LEDAJODA)