
LEGAZPI CITY – Nakaalerto ang Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pagtaas ng bilang ng mga stranded na pasahero sa Matnog Port dahil sa pagkansela ng mga byahe dulot ng epekto ng Bagyong Ada.
Ayon kay Sorsogon PDRRMO Head Engineer Raden Dimaano sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, dahil sa mahabang pila, umabot na ito simula Matnog hanggang sa bayan ng Irosin o katumbas ng anim na kilometro.
Tinitiyak din niya na nakipag-ugnayan na sila sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga law enforcement agencies upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at drayber na kasalukuyang stranded sa mga pantalan dahil sa nasabing sama ng panahon.
May mga marshall din na nagbabantay sa pila dahil karamihan sa mga drayber at pasahero ay nanateli sa kanilang mga rolling cargoes kaya patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Provincial Social Welfare and Development Office upang matulungan sila.
Binigyang-diin ng opisyal na ang mga tauhan ng Land Transportation Office ay nagsasagawa rin ng regular na pagpapatrolya upang mapanatili ang kaayusan sa pila na nagsimula ilang araw na ang nakalipas.
Nanawagan si Dimaano sa mga karatig-lalawigan na payuhan ang mga cargo truck at iba pang mga sasakyan na iwasan ang pagpunta sa Matnog Port habang nananalasa pa rin ang Bagyong Ada dahil mahaba pa rin ang pila sa kasalukuyan.










