LEGAZPI CITY – Tiniyak ng Philippine Competition Commission (PCC) na mababantayan at maipapatupad ang komprehensibong batas na tumatalakay sa patas na kompetisyon ng mga negosyo sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCC Communications and Knowledge Management Office Director Arnold Roy Tenorio, mahalaga aniyang mapatakbo ang mga negosyo na patas at walang panlalamang upang hindi rin madehado ang mga consumers.
Nilalayon rin nitong mabigyan ng maraming pagpipilian ang mga konsumidor at maging dekalidad ang iaalok na goods and services.
Pangunahing tutok ng PCC ang mga pumapasok sa anti-competitive agreement kagaya ng cartel sa basic commodities, enerhiya at iba pa; anti-competitive mergers and acquisition; maging ang mga anti-competitive na tradisyon o gawi sa merkado na kinasanayan na ng mga negosyante katulad ng monopolyo.
Sakop ng nasabing komisyon na nakaangkla sa mga probisyon ng Republic Act 10667 o Philippine Competition Law, ang mula sa malalaking negosyo hanggang sa maliliit na sari-sari store.
Nagsagawa naman ng forum ang komisyon sa lungsod ng Legazpi kabilang ang regional directors ng Department of Trade and Industry (DTI) at National Economic and Development Authority (NEDA) para sa may mga katanungan sa negosyo.