LEGAZPI CITY- Wala pa ring nakikitang senyales ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na matatapos na ang aktibidad ng Bulkang Bulusan matapos ang panibago na naman na phreatic explosion nito ngayong araw.
Sa panayam ng BomboRadyo Legazpi kay PHIVOLCS Director Undersecretary Renato Solidum, base sa kanilang monitoring, patuloy pang nakakapagtala ng maliliit na mga pagyanig sa paligid ng bulkan na senyales na nananatili itong aktibo.
Epekto umano ang pagyanig ng namumuong pressure dala ng pagkulo ng tubig sa ilalim ng bulkan.
Subalit base naman sa datos, mas malakas ang pagsabog ngayon ng Bulusan kumpara sa nauna ng phreatic erruption noong nakaraang Linggo, Hunyo 5.
Nagbuga ito ng makapal na usok na nasa 1km ang taas kasabay ang abo na bumagsak at nakaapekto sa bayan ng Juban.
Payo naman ng opisyal sa mga residente sa mga lugar na apektado ng ashfall na iwasan na muna ang paglabas ng kanilang mga tahanan habang mahgpit pa rin na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4km permanent danger zone at ibayong pag-iingat naman sa mga nasa 2km extended danger sa south east na parte ng bulkan.