LEGAZPI CITY- Pinawi ng mga kinauukulan ang pangamba ng publiko at sinabing maliit ang posibilidad na mag-escalate pa ang aktibidad ng bulkang Mayon.

Ito ay kasunod ng naitalang phreatic eruption kagabi.

Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology resident volcanologist Dr. Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na normal lamang ang pagkakaroon ng mga phreatic eruption dahil kasalukuyang nakataas pa rin ang alert level 1 sa bulkan.

Aniya, hindi naman nakikita ang mga indikasyon na muling lumala ang pag-aalburuto ng naturang bulkan.

Nabatid na sa nangyaring phreatic eruption kagabi ay nagbuga ng nasa 200 meters na abo subalit hindi naman umano ito umabot sa populated areas at bumagsak lamang sa loob ng permanent danger zone.

Paliwanag pa ni Alanis na katatapos pa lamang ng isang major eruption kaya unstable pa ang Mayon volcano.

Samantala, pinapaalerto naman ng opisyal ang mga residente malapit sa paanan ng bulkang Mayon dahil sa posibilidad ng pagdausdos ng lahar dahil sa binabantayang sama ng panahon.