Mayon volcano
Mayon volcano

LEGAZPI CITY—Muling nagpaalala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) sa publiko na maging mapagmatyag at mag-ingat matapos ang naitalang pagtaas ng seismic activity ng Bulkang Mayon.

Matatandaang nakapagtala ang ahensya ng 26 na volcanic earthquakes at 2 Rockfall event noong Setyembre 7, na maaaring ituring na mataas na datos na naitala para sa Bulkang Mayon sa isang araw, na kasalukuyang nananatili sa Alert Level 1.

Ayon kay PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ilan sa mga nasabing volcanic earthquakes ay may kalakasan na 2.7 magnitude sa bahagi ng northeastern na bahagi ng bulkan at may lalim na 5-10 kilometro.

Aniya ang nasabing pangyayari ay tinatawag na volcanic tectonic earthquake na isang uri ng lindol na dulot ng pagbitak ng mga bato dahil sa deep magma intrusion.

Ayon sa opisyal, indikasyon ito ng posibleng pagsabog ng bulkan, dahil kahit malalim ang magma intrusion ay naiistorbo nito ang hydrothermal system o region ng steam sa ilalim ng bulkan nakun saan kapag ang mga particle na ito ay nakaimbak o pressurize ay posibleng magsimula ng isang phreatic eruption.

Samantala, nagbabala si Bornas sa publiko na iwasang pumasok sa 6 km radius Permanent Danger Zone dahil sa mataas na tsansa ng phreatic eruption ng naturang bulkan.

Pinayuhan din niya na maging maingat at mapagmatyag lalo na ang mga nasa malapit sa ilog o sa mga perennially lahar-prone areas sa bayan ng Guinobatan dahil sa banta ng pagdaloy ng lahar lalo na kapag nakararanas ng ulan.