LEGAZPI CITY – Pinag-iingat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang mga residente na nakatira malapit sa Bulkang Bulusan sa posibleng lahar flow dahil sa Bagyong Aghon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Phivolcs resident volcanologist April Dominguiano, may posibilidad na bumagsak ang mga naipon na volcanic materials sa taas ng bulkan kung lalakas pa ang mga pag-ulan na dulot ng naturang sama ng panahon.
Hindi naman inaalis ang posibilidad na magkaroon pa rin ng phreatic erruption dahil nakataas pa rin sa kasalukuyan ang alert level 1.
Batay sa monitoring ng tanggapan, nakakapagtala pa rin ng volcanic earthquakes habang nagpapatuloy pa rin ang pamamaga sa paligid ng bulkan na indikasyon na nananatili pa rin itong aktibo.
Abiso ni Dominguiano sa mga residente na maghanda sa posibleng paglikas at doblehin ang pag-iingat dahil sa Bagyong Aghon.
Samantala, siniguro naman ng opisyal na patuloy pa ring magbabantay ang PHIVOLCS sa mga aktibidad ng Bulkang Bulusan kahit pa may sama ng panahon.