LEGAZPI CITY—Nilinaw ng Philippine Institute of of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na fog o hamog, at hindi volcanic smog ang naobserbahan mula sa Bulkang Mayon nitong Biyernes, Enero 9, sa lalawigan ng Albay.
Ayon kay PHIVOLCS Chief Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Mariton Bornas, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi karaniwang nararanasan ang volcanig smog o vog sa bulkan dahil ito ay medyo matayog at mataas, gayundin na ang ibinibubuga nitong sulfur dioxide ay nadi-dissipate o lumalaho sa upper atmosphere.
Aniya na hindi ito katulad ng Bulkang Taal na medyo mababa ang lokasyon na nagdudulot ng volcanic smog sa paligid nito.
Binigyang-diin ng opisyal na kung may mayroon mang volcanig smog sa bulkang Mayon ay asahang malayo ito sa mga komunidad.
Nilinaw din ni Bornas na ang volcanic smog ay hindi lang makikita kundi mararamdaman din ito ng mga mamamayan kung saan posible rin itong magdulot ng pananakit ng mata, ilong at lalamunan dahil sa nalalanghap na sulfur dioxide.
Sa kasalukuyan ay wala pa aniya silang natatanggap na ulat na may nakaranas na ng mga ito.
Patuloy naman na pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na iwasan ang pagpasok sa 6 km radius Permanent Danger Zone dahil sa nagpapatuloy na lava dome eruption sa naturang bulkan.











