LEGAZPI CITY – Malayo pa ang posibilidad na matanggal na ang alert level 1 status na nakataas sa Bulkang Bulusan sa Sorsogon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay April Dominguiano ang resident volcanologist ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology Sorsogon, patuloy pang nakakapagtala ng mga aktibidad ang bulkan kagaya na lamang ng tatlong volcanic earthquakes nitong nakaraang araw.
Patuloy rin ang pagbuga nito ng usok at sulfur dioxide gayundin ang ground deformation o pamamaga sa paligid ng bulkan partikular na sa kanlurang bahagi nito.
Dahil diyan hindi pa maaring tanggalin ang alert status sa bulkan at mahigpit pa rin na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4km permanent danger zone nito.
Samantala, mahigpit naman na nakabantay ang ahensya sa posibilidad ng lahar flow sa Bulkang Bulusan lalo na ngayong nagsisimula na ang panahon ng tag-ulan.