LEGAZPI CITY – Bumuo na ng Quick Response Team ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na susuri sa mga sinasabing fissures o bitak sa ilalim ng Taal Lake sa Batangas.
Hindi inaalis ng ahensya ang posibilidad na kung may nakitang mga bitak sa mainland, maaaring mayroon din sa ilalim ng lawa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Phivolcs Volcano Monitoring and Eruption Division Science Research Specialist I Lincoln Olayta, ipinadala na ang team sa pagtukoy sa lokasyon ng mga naturang fissure.
Aniya, “historical cracks” na ang mga bitak mula pa sa 1911 eruption ng Taal volcano na na-reactivate lamang at lumawak pa sa muling pag-aalburoto ng bulkan.
Samantala, patapos na rin umano ang installation at pagsasaayos ng mga bagong instrumento ng ahensya sa paligid ng bulkan partikular na sa caldera at itutuloy hanggang sa volcano island.
Maglalagay rin ng mga auxilliary stations ang Phivolcs na magiging kaagapay sa pagmonitor sa mga parametrong binabantayan.