LEGAZPI CITY – Nagpapatuloy ang monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa kalagayan ng bulkang Bulusan sa probinsya ng Sorsogon.

Ito ay kaugnay ng pagtaas sa alert level 1 ng bulkan at naitatalang mga aktibidad nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PHIVOLCS Resident volcanologist April Dominguiano, kahapon ng makapagtala ng dalawang volcanic earthquake, nasa 204 sulfur dioxide at pagsingaw mula sa bunganga ng bulkan na umaabot hanggang sa 50 metro.

Sa ngayon Low level at maliit pa lamang ang aktibidad na nakikita sa bulkan ngunit kailangan pa rin aniyang maging alerto.
Paliwanag pa ng opisyal, hindi katulad ng Bulkang Mayon, komplikado at hindi ‘perfect cone’ ang hugis ng bulkang Bulusan dahil dito wala aniyang kasiguraduhan kung saan babagsak ang mga volcanic materials na ilalabas nito at ang hangin ang magdidikta kung saang direksyon dadalhin ang mga abo.

Kaugnay nito sinabi ni Dominguiano na sa ngayon ay wala pang evacuation ipinapatupad ngunit sakaling itaas na sa sa alert level 3 ang estado ng bulkan, irerekomenda na ng ahensya ang pagpapalikas.

Paalala na lamang ng ahensya sa mga Lokal na Pamahalaan na nasa paligid ng bulkan na maging alerto sa posibleng mga pag-alburoto, habang pinag-iingat naman ang mga residente na malapit sa mga ilog na magdoble ingat lalo na kung nagkakaroon ng pag-uulan na posibleng magresulta sa lahar.