LEGAZPI CITY- Inamin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology nakita sa kanilang mga earthquake generators na posibleng tumama sa bansa ang lindol na mas malakas pa sa pinangangambahang ‘The Big One.’
Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang Philippine Trench ay posibleng makapag generate ng hanggang magnitude 8.2 quake.
Sinabi ng opisyal na mas nabibigyan ngayon ng atensyon ang posibleng pagtama ng the big one o magnitude 7.2 na lindol sa west valley fault subalit nakakaligdaan na mayroon pang mas malakas na pagyanig na pinangangambahang tumama sa ilang bahagi ng bansa.
Paliwanag ng opisyal na ang Pilipinas ay nasa Pacific ring of fire kaya karaniwan na ang pagkakaroon ng malalakas na lindol.
Subalit isa sa mga pinangangambahan ay ang posibleng tsunami na maidulot ng naturang mga pagyanig.
Ayon kay Bacolcol na hindi basta-basta makakapag bigay ng babala ang tanggapan dahil halos limang minuto lamang ang pagitan ng pagkakaroon ng tsunami matapos ang isang malakas na lindol.
Dahil dito ay ang paghahanda umano ang pinakamabisang paraan upang mailigtas ang sarili.
Dapat aniyang maging mapagbantay ang publiko lalo na ang mga nasa coastal areas kung magkakaroon ng biglaan na pagbaba ng lebel ng tubig-dagat.
Nabatid kasi na nasa 3.5 meters hanggang 5.5 meters ang maging tsunami waves kung magkakaroon ng 8.2 magnitude na lindol.