LEGAZPI CITY – Doble na ang pagpapaalala ng Philippine Insititute of Volcanology and Seismology (PHILVOLCS) sa mga residente na nakatira sa mga bayang nakapalibot sa Bulkang Mayon.

Ito ay kaugnay ng nararamdamang paonti-onti nang pag-ulan sa probinsya ng Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PHIVOLCS Chief Science Research Specialist, Ma. Antonia Bornas, sinabi nitong kung titingnan ang record ng bulkang Mayon ay nananatiling kaonti ang naitatalang volcanic earthquake at pyroclastic density current (PDC), habang nanatili ring mababa ang Sulfur dioxide, at tahimik ang pagluwa ng lava mula sa crater ng bulkan.

Maliban rito, ay nananatiling ang dalawang direksyon pa rin ang tinatahak ng lava flow, ito ay ang Mi-isi Gully sa timog na bahagi at ang Bonga Gully sa timog-silangang bahagi ng bulkang Mayon.

Ibig sabihin umano ay mapayapa pa ring maituturing ang aktibidad ng bulkang Mayon ngayon.

Ngunit paliwanag ni Bornas, kung sa lava flow ay walang dapat na ikabahala, sakali aniyang magtuloy-tuloy at lumakas ang nararanasang pag-uulan ay posible itong mauwi sa confined lahar flows sa ilang mga ilog na konektado sa dalawang gullies.

Kung saan ang mga ilog na posibleng daanan ng lahar, ang mula sa Mi-isi Gully ay ang nasa Brgy Budjao at Brgy BaƱadero sa bayan ng Daraga, at ang mula naman sa Bonga Gully ay ang mga barangay ng Pawa, Mabinit, Matanag at Buyuan sa Lungsod ng Legazpi.

Kaugnay nito, muling nagpaalala ang opisyal sa lahat ng Mayon evacuees na kahit pa confined lahar flows lamang ang posibleng mangyari dala ng kaonting mga volcanic materials na inilababas ng bulkang Mayon, ay nananatiling malaking banta ito kung kaya’t abiso ng Bornas sa publiko na manatili na muna sa mga evacuation centers at wag nang magpumilit na pumasok sa loob ng 6km permanent danger zone.