LEGAZPI CITY—Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST Phivolcs) tungkol sa posibleng lahar flow sa Bulkang Mayon sa probinsya ng Albay dulot ng bagyong Pepito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Paul Alanis, ang resident volcanologist ng DOST Phivolcs V, karamihan sa mga latest eruptions ng Bulkang Mayon ay papuntang timog ang mga deposits nito.

Sa ngayon binabantayan nila ang mga lugar ng Miisi, Mabinit, Buyuan at Basud channels sa probinsya.

Dagdag pa nito na sa pinakahuling pagputok ng bulkan ay kinakarkulong nasa mahigit na 90 million cubic meters ang naipon na deposits, ngunit hindi ibig sabihin na ang lahat ng ito ay babagsak sa paghagupit ng bagyo kung saan nakadepende rin ito sa lakas ng ulan.

Tinataya rin na hanggang dagat ang posibleng abutin ng lahar flow.

Nagpaalala naman ang opisyal sa mga residente na maghanda para sa pre-emptive evacuation at sundin ang mga rekomendasyon sa kanilang hazard map, gayundin ang pagsunod sa mga otoridad.

Nagpalabas na rin ng general advisory ang ahensya tungkol sa lahar flow sa iilang mino-monitor na mga bulkan na posibleng maapektuhan ng bagyong Pepito.