LEGAZPI CITY – Inalerto at pinaghahanda ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang mga komunidad na malapit sa paanan ng Bulkang Mayon para sa posibleng banta ng pagdaloy ng lahar.
Kasama kasi ito sa mga pinakababantayang epekto ng pagpasok sa bansa ng Bagyong Tisoy na inaasahang magdudulot ng malakas na mga pag-ulan.
Paliwanag ni PHIVOLCS Director Usec. Renato Solidum sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, maaaring maibaba ang post-eruption lahars sa mga gullies o river channels na naipon kagaya ng makapal na pyroclastic density current (PDC) material at ashfall sa pag-aalburoto nito noong Enero hanggang Marso 2018.
Dapat aniyang pakabantayan ng mga local disaster management officials ang mga residente na nasa hazard areas habang payo ang paglikas sakaling tumaas na ang lebel ng tubig.
Una nang naobserbahan ang deposito ng “uson” sa watershed areas ng Miisi, Mabinit, Buyuan at Basud channels na maaaring maibaba ng bagsak ng ulan.
Maliban pa rito, may potensyal rin na maibaba ang ilan pang volcanic deposits sa Matan-ag, Masarawag-Maninila at Quirangay cannels.
Nananatili namang nakataas sa Alert Level 2 status o moderate level of unrest ang naturang bulkan.
Maging ang ilang deposito na naipon sa Bulkang Bulusan sa Sorsogon ang pinatututukan rin ng PHIVOLCS.