LEGAZPI CITY – Mahigpit na binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang tuloy-tuloy na ‘tremor-like series’ ng mahihinang volcanic earthquakes sa bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PHIVOLCS resident volcanolgist Dr. Paul Alanis, nakaalerto ang ahensya sa pag-obserba sa posibleng paglakas ng volcanic tremor na naitala sa bulkan mula noong mga nakaarang araw.
Ayon kay Alanis, may mga panahon ding namomonitor na humihina ang naturang volcanic tremor.
Batay sa datos as of 5am to 7pm kahapon, nakapagtala ang bulkan ng 118 na rockfall events at anim na Pyroclastic Density Currents o uson na dumadaloy pababa sa Basud Gully (eastern slopes), Mi-isi Gully (southern slope), at Bonga Gully (southeastern slope) na may layong isa hanggang dalawang kilometro mula sa bunganga ng bulkan.
Umaabot naman sa 1,621 tonnes ang naitalang sulfur dioxide emission na resulta ng biglaan na pagtaas ng seismic energy release na nagsimula noong isang araw.
Sa paliwanag ng PHIVOLCS, ang ipinapakitang abnormalidad ng Mayon ay posibleng dulot ng ”magmatic gas activity” mula sa ilalim ng bulkan na pwedeng signos ng pagputok.
Samantala sa kabila nito, kinumpirma ni Alanis na kahapon ay wala ng naranasang ashfall sa bayan ng Guinobatan, lungsod ng Ligao at Tabaco.