LEGAZPI CITY- Ipinaliwanag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na lava front collapse ang naitala sa bulkang Mayon kagabi, na nagdulot ng ashfall sa ilang mga barangay sa Mayon unit area.
Ayon kay PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nagkaroon ng pagguho ng lava flow na nag-generate ng pyroclastic density current o uson.
Ito ay sa gitna pa rin ng nagpapatuloy na iffusive eruption ng naturang bulkan.
Samantala, batay sa tala ng ahensya ang volcanic materials o pinagsama samang rockfall, uson at lava flow ay pumalo pa sa 53.7 million cubic meters.
Katumbas nito ang nasa 4.47 million ten-wheeler trucks at maaari pa umanong madagdagan dahil sa patuloy pa ring aktibidad ng Mayon volcano.
Nilinaw naman ni Bacolcol na hanggang hindi lumalagpas sa 6km permanent danger zone ang naturang volcanic materials ay hindi magkakaroon ng problema, kaya nagpaalala ito sa publiko sa panganib ng pagpasok sa danger zones ng bulkan.











