LEGAZPI CITY – Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na mababa ang tsansa na magkaroon ng lahar flow sa gitna ng mga nararanasang pa-ulan sa lalawigan ng Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PHIVOLCS resident volcanologist Dr. Paul Alanis, sa ngayon ay wala pang naitatalang mga insidente ng lahar flow sa mag river channel na konektado sa bulkang Mayon.
Paliwanag nito na panaka-naka pa lang ang mga pag-ulan na nararanasan na hindi naman kayang magdulot ng lahar flow.
Subalit sa kabila nito, abiso sa mga residente na manatiling naka-alerto lalo na ang mga nakatira malapit sa ilog partikular na sa mga barangay ng Mi-isi at Bonga na konektado ang river channel sa bulkan kung sakaling magkaroon ng tuloy-tuloy na malalakas na ulan.
Ayon kay Alanis, oras na magkaroon kasi ng lahar flow malayo at malawak ang pwedeng maapektuhan na lalagpas sa 6km permanent danger zone dahil dadaan sa mga rivel channel.
Samantala, bahagyang humupa ang aktibidad ng Bulkan Mayon sa nakalipas na mga oras.
Batay sa pinakahuling monitoring ng PHIVOLCS as of 5am to 7pm kahapon, isa lang ang naitalang volcanic earthquake ng bulkan sa kabila na mahigit sa 100 volcanic earthquakes na naitala noong nakaraang Martes, Hunyo 27.
Nakapagtala rin ng 159 rockfall events sa bulkan at may anim na Dome-collapse pyroclastic density current events.
Nagpapatuloy din ang lava flow sa bunganga ng bulkan na umaabot na sa 2.1 km sa Mi-isi Gully at 1.3 km sa Bonga Gully.
Sa kabila nito, wala pang nakikitang pangangailangan ang PHIVOLCS na itaas ang alert level ng bulkan na ngayon ay nananatili sa Alert Level 3.