LEGAZPI CITY- Mahigpit na binabantayan ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) kung magpapatuloy ang itensity ng pyroclastic density current o uson tulad ng naitala nitong nakalipas na Sabado.
Ayon kay Mayon Observatory Resident Volcanologist Doreen Abelinde sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kung patuloy na makakapagtala ng kaparehong malalaking uson ay posibleng irekomenda ang pagpapalawig pa ng mga kinakailangang ilikas, sa 7km hanggang 8km extended danger zone.
Subalit ito ay para sa mga apektadong residente lamang.
Matatandaan na sa ilalim kasi ng alert level 3 status ay ang mga residente lamang mula sa 6km radius permanent danger zone ang pinapalikas.
Paliwanag ng opisyal na ang pyroclastic density current ay itinuturing na isa sa mga ‘deadliest’ hazard ng isang aktibong bulkan.
Kung nagkataon umano na mayroong mga tao sa loob ng permanent danger zone ng mangyari ang uson nitong weekend ay siguradong hindi makakaligtas, tulad ng nangyari sa ilang mga livestock na nalapnos ang balat dahil sa init ng abo mula sa bulkan.










