LEGAZPI CITY – Wala pang nakikitang senyales ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology na bubuti na ang sitwayon ng bulkang Mayon sa loob ng mahigit dalawang buwan na pag-aalburoto.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mariton Bornas, Chief Volcano monitoring and eruption prediction division ng naturang ahensya, ngayong buwan ng Agosto ay namonitor ang pagtaas ng mga naitatalang volcanic tremor events na tumatagal ng halos isang minuto.

Nakapagtala rin ng mga harmonic tremors na mayroong kasabay na rumbling sound o dagundong na naririnig mismo ng field teams ng tanggapan at maging ng mga residenteng nakatira sa malapit sa 6km permanent danger zone.

Aniya, nangangahulugan ito na mas lumala o may pagtaas ang ilang parametro ng bulkan kumpara noong mga nakaraang buwan.

Ayon kay Bornas, sa ngayon ay mula na sa pinakailalim ng bulkan ang inilalabas na magma o lava ng Mayon na may kasamang mas maraming volcanic gas.

Ito ang dahilan kung bakit nakikita paminsan-minsan ang biglaan na pagbulwak ng magma o pagkakaroon ng lava spray.

Nakita rin sa ground deformation data na may panibagong pamamaga sa upper slope ng Mayon na indikasyon na may umaakyat na magma at may mga ilalabas pa na mga volcanic materials.

Subalit nilinaw ng opisyal na hindi ito ang mga tinitingnang senyales upang itaas sa Alert Level 4 ang status ng Mayon na nananatili sa Alert Level 3.

Sa ngayon ay umaabot na sa 32 million cubic meters ang iniluwas na volcanic materials at hindi pa rin inaalis ng ahensya ang posibilidad ng pagkakaroon ng explosive eruption ng bulkang Mayon.