LEGAZPI CITY – Nasa Playa Tunco, El Salvador na ang six-man Philippine team kung saan kabilang ang Bicolano surfer na si Vea Estrellado, para sa pagsabak sa International Surfing Association World Surfing Games 2021 Olympic Qualifiers.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bidge Villaroya, coach ni Vea, kinikilala na ng team ang galaw ng dagat sa magiging venue ng palaro na gaganapin mula Mayo 29 hanggang Hunyo 6.
Sa walong taon na pag-ensayo ni Villaroya kay Vea sa Sorsogon, tinitingnang magiging dagdag na hamon sa 17-anyos na surfer ang malalaking alon sa El Salvador, kumpara sa kinasanayan.
Hindi man kasama sa event at tanging sa chat muna ang komunikasyon, mahigpit ang bilin nito kay Vea na alalahanin na “safety first” at suriing maigi ang galaw ng dagat bago ang kompetisyon.
Kahit pa kumpiyansa sa kakayahan ng pinakabatang surfer sa team, hindi rin naman umano maaaring ipagwalang-bahala ni Vea na matindi rin ang paghahanda ng mga makakatunggali.
Magwagi man o hindi, naniniwala ang coach ng Bicolano surfer na malaking tulong ang pinakaunang international event nito sa competitive maturity ng dalaga.