LEGAZPI CITY—Tinawag ng grupong Philippine Nurses Association na isang diskriminasyon, hindi katanggap-tanggap, offensive at detrimental ang pahayag ni Misamis Oriental Governor Peter Unabia tungkol sa sexist remarks nito sa propesyon ng nursing.
Ayon kay Philippine Nurses Association Dra. Rosanna Grace Delariarte, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na hindi magandang pakinggan ang kanyang mensahe dahil ang nursing ay isang demanding profession kung saan nangangailangan ito ng kaalaman, critical thinking ability, technical competence, therapeutic communication, dedikasyon at commitment.
Kaya kung ipapatuloy ang ideya na tanging ‘magagandang’ babae lang ang mabibigyan ng scholarship na ibinase lamang sa pisikal na itsura at ang pahayag na ang nursing ay para lamang sa mga kababaihan, maituturing umano ang ideya na nakapanlilinlang.
Aniya, ang naging pahayag ng gobernador ay hindi pasok sa provisions sa mga batas na nagpoprotekta sa diskriminasyon kagaya ng Republic Act 9710 o “Magna Carta of Women” at Republic Act 11313 o ang “Bawal Bastos Law.”
Sinabi pa ni Dra. Delariarte na ang sexist remarks ng naturang gobernador ay posibleng magpahina ng loob sa mga taong gustong kumuha ng propesyon na nursing.
Pwede rin itong magresulta sa stress, anxiety, burn out at pagbawas ng job satisfaction ng mga kasalukuyang nag-aaral at nagtatrabaho sa nasabing propesyon
Nagiging dahilan din ito ng negative stereotypes sa propesyon kung saan mapipigilan ang mga talentadong indibidwal lalo na ang mga kalalakihan na ituring ito bilang isang ‘viable path.’
Dagdag pa rito, ang pahayag ay nakakapag-ambag din umano sa kultura ng kawalan ng respeto sa health care professionals, partikular na sa mga kababaihan.
Samantala, binigyang-diin ng opisyal na imbes na ganito ang pag-usapan, nararapat na tutukan na lamang kung paano mapapaunlad ang mga benepisyo ng nurses at working partitions, pag-iinvest sa quality nursing education, pagsulong ng professional development, at pagpapatupad ng mga estratehiya upang hindi na sila umalis ng Pilipinas para magtrabaho.